Chapter 50: He's Gone

2.1M 51.4K 15K
                                    

CANDICE

Nakaupo kaming pareho sa harap ng puntod ni Paulo habang hawak-hawak ko 'yong kamay niya at nakasandal siya sa balikat ko. Hindi pa rin siya tumitigil sa pag-iyak at ramdam ko 'yong sakit na nararamdaman niya. Kung nasaktan ako sa pagkawala ni Paulo, alam kong nasaktan din siya. Aminin man niya o hindi, alam gusto ko na rin niya si Juan Paulo.

Nakakalungkot lang na kung kailan umamin si Paulo ng nararamdaman niya para kay Stacey ay tsaka siya nawala. Hindi pa nga nila nasisimulan 'yong love story na sana meron sila ay natapos na lang agad ito nang gano'n.

Mapaglaro nga talaga ang tadhana.

Hindi ko namalayan na unti-unti na naman pala akong umiiyak. Masakit, sobrang sakit mawalan ng taong minamahal mo lalo na kung alam mong hindi na siya kailan man babalik pa. Sa pagkawala ni Paulo, para akong namatayan ng sariling kapatid.

Tiningnan ko si Stacey, napakalungkot niya. "Juan Paulo, miss na kita. Alam mo ba 'yon ha? Wala nang nang-aasar sa 'kin. Wala nang nangungulit sa 'kin... wala na... wala ka na e..." Hindi na naman napigilan ni Stacey 'yong matinding pag-iyak. "Bee, wala na si Juan Paulo... wala na siya."

"Shhh, tahan na. Ayaw niyang makita kang ganyan." Pinunasan ko 'yong mga luha ni Stacey. "Hindi ba sabi niya palagi ka lang ngumiti? Kaya tama na." Ngumiti ako sa kanya.

Simula nang mawala si Paulo, ang daming beses ko nang pinigilan na umiyak dahil alam kong ayaw niyang nahihirapan 'yong iba tao dahil sa kanya. Masiyahin siya at likas na komedyante. Tuwing nakikita niya ako na malungkot, naiinis siya dahil ang gusto niya, masaya 'yong mga taong mahal niya.

"Sabihin mo, Bee... sa langit siya pumunta 'di ba?" Tiningnan ko siya at tumango ako. "Hindi naman siya gano'n kasama e. Kaya pwede pa rin siya roon, 'di ba?" Hinigpitan ko 'yong pagkakahawak ko sa kamay niya.

"Mabait siya at alam ko na nasa piling na siya ng Diyos ngayon." Humarap sa 'kin si Stacey tapos niyakap niya ako. "Magiging maayos din ang lahat, Stacey." Niyakap ko rin siya pabalik. Isang mahigpit na yakap.

Nagpalipas pa kami ng isa pang oras sa puntod ni Paulo. Inuwi ko muna si Stacey sa kanila bago ako umuwi sa amin.

Pagdating ko sa amin, nadatnan ko sa sala sina Mama at Auntie. Nakatulala silang dalawa at parang wala sa sarili. "Nandito na po ko," pagbabasag ko ng katahimikan nila.

Napatingin silang dalawa sa 'kin. Hindi ko naiwasan na tignan si Auntie Pia. Naaawa ako sa kanya dahil alam ko ngayon ay sobrang sinisisi niya 'yong sarili niya sa pagkamatay ni Paulo. Gustuhin ko mang ilihim sa kanya 'yong totoong dahilan ni Paulo, naisip ko na mas mabuti nang malaman na lang niya ang lahat. Sabi nga nila, the truth will set you free. At least, nakahingi na si Auntie ng tawad kay Paulo dahil sa mga pagkukulang niya.

"Kumusta na si Stacey?" tanong sa 'kin ni Auntie.

"Malungkot pa rin siya pero alam kong magiging okay rin naman siya," sagot ko.

"Juan Paulo really liked her. Sayang..." Nagsimula na naman siyang maiyak. Lumapit agad sa kanya si Mama para yakapin siya. "Sorry, ayokong maging pabigat sa inyo."

"Pia, it's okay. Alam naman namin 'yong pinagdadaanan mo. Nandito lang kami para sa 'yo." Pinunasan agad ni Auntie 'yong mga luha niya at pilit na ngumiti. "Everything will be okay."

Sana, sana maging maayos na rin ang lahat.

Umakyat na ako sa taas ng kwarto ko. Humiga agad ako sa kama ko dahil pakiramdam ko, pagod na pagod 'yong katawan ko. Isang linggo na rin simula nang mawala si Paulo at simula noon, hindi pa ako nakakatulog nang maayos. Isang linggo na rin pero 'yong sakit nandito pa at hindi ko alam kung mawawala pa ba 'yon.

The Good Girl's Revenge (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon