Beat ♥ 15: Seryoso?

7.7K 161 22
                                    

Beat 15: Seryoso?

*Reina

“Gusto kita.”

     Nabingi ako sa tibok ng puso ko at mistulang nanigas ako sa kinatatayuan ko habang nakatitig ako sa kanya at nakahawak pa rin siya sa kamay ko. Hindi ako makapagsalita. Ano bang dapat kong i-react? Dapat ba kong tumawa? Sabihin kung anong klaseng joke ‘yung sinasabi ni Kuya Lyn?

     Hindi ko alam. Ang gulo.

     “Bal?”

     Napalingon kaming dalawa sa isang babaeng papalapit sa amin na may akay na bata. Naramdaman ko nalang na parang binitawan na ni Kuya Lyn ang kamay ko. Dahil dito ay para naman akong biglang bumalik sa katinuan.

     Gayunpaman, ramdam ko pa rin ang init na umakyat sa aking mga pisngi. “Oops,” sabi ni Lezah at saka tumingin sa akin at pagkatapos ay sa kuya niya. “Hindi pa ba tapos?”

     Napakamot sa ulo si Kuya Lyn. Tumayo siya at inilagay ang isang kamay sa loob ng bulsa. “Wrong timing ka talaga kahit kailan!” Inakbayan niya si Lezah at saka kinaladkad papalayo sa amin. Nakatingin lang ako sa kanilang tatlo habang akay pa rin ni Lezah si Kyle at nagpupumiglas sa pagkakaakbay ni Kuya Lyn.

     “Reina.”

     Napatingin ako sa lalaki sa harapan ko. “H-Ha?”

     Tinitigan niya akong mabuti. “Bakit namumula ka?”

      Bigla naman akong na-conscious at napahawak sa pisngi ko. Yumuko ako ng kaunti. “Ah, w-wala. Tara na?” Pero hindi ko na hinintay pa si Justin at nagsimula nang sumunod kina Lezah. Bakit ang lakas pa rin ng tibok ng puso ko? Hindi kaya, ito kasi ang unang pagkakataon na may nagtapat sa aking lalaki? Pero, baka naman joke lang ni Kuya Lyn ‘yon? ‘Di ba? ‘Di ba?

     Three o’ clock na ng hapon noong naisipan naming umupo at magpahinga na doon sa parang food court. Nakailang sakay na din kasi kami sa rides at ngayon ay pare-pareho kaming pagod. Pero ang totoo niyan, halos puro sina Lezah at Kyle lang talaga ang sumakay. Tumitili pa nga si Bal e.

     At ako? Well, heto, awkward moment lagi tuwing kasama ko si Kuya Lyn. Napapansin kong parang tumitingin-tingin siya sa akin at parang may gustong sabihin pero hindi ko nalang pinapansin. Si Justin din, parang medyo nakakahalata nang parang may iniisip akong malalim kasi minsan, nakikita ko mula peripheral vision ko na tumitingin din siya sa akin.

     “CR lang ako.” Tumayo si Justin at lumakad papunta na sa CR.

      Ako naman ‘tong si awkward kasi naiwan kaming mag-isa dito ni Kuya Lyn sa table kasi umo-order na sina Lezah at Kyle ng pagkain namin. Magkaharap kami ngayon kaya medyo nakakailang. Tumingin-tingin nalang ako sa paligid para iwasan na magkatama ‘yung tingin namin.

     “Reina.” Biglang tumalon ‘yung puso ko. “Hindi ka ba mapakali sa sinabi ko?” Tumingin ako kay Kuya Lyn na seryosong nakatitig sa akin.

     Ngumiti ako sa kanya at saka umiling. “Ah, hindi naman, kuya. May iniisip lang talaga ako,” pagkakaila ko.

     “Huwag mo na kong tawaging ‘kuya’.”

     “Ha?” nagtatakang tanong ko.

     “Sabi ko, huwag mo na kong tawaging ‘kuya’. Lyn nalang,” pag-uulit niya.

     Napaiwas ako ng tingin at saka tumawa ng medyo nahihiya. “Hindi ako sanay, kuya.” Para kasing ang awkward. Ilang years na din na ‘Kuya Lyn’ ang tawag ko sa kanya. Nasanay na ako. Oo, medyo crush ko siya kasi ang bait at ang cool niya. Pero kahit na isang taon lang ang tanda niya sa akin at kasingtanda niya si Justin, hindi pa rin ako sanay na hindi siya tawaging kuya.

Another Heartbeat ♫ (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon