KABANATA DALAWA
I AM LYING comfortably on my bed. Ang sarap matulog. Ang lambot ng kama ko, ang lambot ng unan ko. Pakiramdam ko ay para akong natutulog sa ibabaw ng ulap. Pero nabulabog lang ng maingay kong alarm clock ang masarap kong tulog. “Kriiiiiiiiiing!” sabi ng sound effect ng alarm clock. Walang hiya namang alarm clock na ito, kahit kailan istorbo!
Tinatamad akong bumangon mula sa kama ko saka ko hinampas ang alarm clock ko sa side table para patayin iyon. May narinig akong nagcrack pero hindi ko nakita iyon dahil nakapikit pa rin ako. Grabe, inaantok pa ako.
Ipinunas ko ang likod ng aking kamay sa bibig ko para tingnan kung may natuyo akong laway. Minsan kasi nakakatulog ako ng nakanganga. This time wala naman. Bumangon na ako at humarap sa salamin para tingnan kung may muta ako. Kumuha ako ng hair brush at nagsuklay saka ako sumulyap sa wall clock.
“Oh shet!” bulalas ko nang makitang late na ako.
Ang dami kasi ng nainom ko kagabi. Teka, paano na nga ako nakauwi? Hindi ko na matandaan. Pero ayos na rin ‘yon, ang mahalaga ay nakauwi ako. Buti na lang panaginip lang ang mga mababahong zombie, pero ‘yong hot guy sayang. Tsk.
Mabilis akong naligo. Dahil sa pagmamadali, kaunti lang ang kinain ko. Pagkatapos ay lumabas na ako ng bahay at naghanap ng tricycle na masasakyan papuntang school. Madilim ang sky, at medyo umaambon din.
Pagdating ko sa school ay tinakbo ko agad ang daan papunta sa classroom ko. Nasa may pintuan pa lamang ako nang nakita kong nagkakagulo ang mga kaklase ko, ibig sabihin wala kaming teacher. Natanaw ko sa malayo ang kaklase kong si Reina. Naglalakad pa lamang ito papunta rito sa classroom, mas late pa pala siya kaysa sa akin.
Nakahinga ako ng maluwag. Buti na lang wala kaming teacher ngayon. Masususpend na kasi ako kapag nakatanggap pa ako ng isa pang late card.
Inilagay ko na ang bag ko sa upuan ko saka ko tinabihan si Kassie. Abala ito sa pagtetext, ang iba ko namang mga kaibigan ay may iba ring pinagkakaabalahan kaya wala akong makausap. Busy silang lahat kaya ano pa bang gagawin ko? Eh ‘di as usual, tutunganga na naman ako.
“‘Oy si Ma’am, paparating,” anunsyo ng class president namin. “Ayusin niyo ang mga upuan niyo!”
Nagsitahimik na ang mga kaklase ko. Lahat sila ay nagsibalik na sa kanilang mga upuan. Pagkaraan ng ilang saglit ay pumasok na sa loob ng classroom ang teacher namin. May kasunod itong guwapong lalaki, tingin ko ay hindi nalalayo ang edad nito sa amin ng mga kaklase ko.
Golden brown ang buhok nito, ang mga mata nito ay kulay asul. Parang pamilyar ito sa akin. Siguro ay nakita ko na ito noon. Sa tv kaya? Siguro nga, mukha naman kasi itong artista. “Kassie,” kinalabit ko ang bestfriend ko. “Tingnan mo ‘yong guy sa harap, ang hawt.”
Nagtaas ng tingin si Kassie. “Ay friend, ang guwapo nga!” nakangiting wika nito. Tila ba bituwing nagnining ang mga mata ni Kassie, at nakanganga rin ito. Sobrang nakakanganga kasi ang kagwapuhan ni kuya.
Nakatayo ang teacher sa harap ng klase. “Class, I have an announcement. This is Casper.” Itinuro ng guro namin ang lalaking nagngangalang Casper. “He will be your new classmate,” anunsyo nito. “Casper, please introduce yourself to your new classmates.”
Bumuka ang bibig ng lalaki at nagsimula na itong magpakilala. “Good morning everyone,” bati nito sa lahat. “My name is Casper Friedrichsen. I’m an exchange student from England. I’m not fluent in speaking your native language, I hope you will help me.”
This guy is so breathtakingly handsome. Halos lahat kaming mga babae rito sa classroom ay nakanganga sa kaguwapuhan nito, as in ngangang-nganga kaming lahat. Sino ba naman ang hindi nganganga kapag may diyos na bumaba sa langit. Mukha pa lang ulam na, yummy!
Nagtama ang tingin namin ni Casper. Gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. Nakanganga pa rin ako habang nakatitig sa guwapong mukha ni Casper. Na-realize ko lang nang medyo matagal na kaming nagtititigan na kaya pala ito nakangiti ay dahil nakanganga ako sa kanya. Bigla akong napaiwas ng tingin dito dahil sa kahihiyan. Pero baka naman isipin nito na may malisya sa ginagawa ko kaya ibinalik ko ulit ang tingin ko rito. Ngunit wala na ang ngiti nito at hindi na rin ito sa akin nakatingin. Nakikipag-usap na ito sa teacher namin.
Add to your private library
My LibraryAdd this story to your public reading lists
| Rica Sevilla | as Herself |
| Chace Crawford | as Casper |