Chapter 6
Luna
Nakatingin lang ako sa kanya.
Nakaluhod parin siya at hawak pa rin ‘yung kamay ko. Ang naiba nga lang, sobrangingay na ng paligid ko. Naghihiyawan ‘yung mga estudyante sa ibaba. May pumipito, sumisigaw at kung anu-ano pa. Pero mistulang wala akong naririnig ni isa sa kanila.
Tumayo si Jessie, hawak pa rin ‘yung kamay ko. Hindi ako makagalaw. Para bang nanigas ako sa kinatatayuan ko. “Please be my girlfriend, Luna Reyes,” pag-uulit ni Jessie.
Tumaas ‘yung kilay ko. “Nakahitit ka ba?”
Tumawa siya at saka ngumiti. “Bakit naman ako magda-drugs e kung sa ngiti mo palang ay nababaliw na ko?”
Lalong lumakas ‘yung sigawan sa paligid ko. Tumingin ako kay Kevin. Natatawa sila ni Rio samantalang si Justin ay nakangiti naman. Dumako ‘yung tingin ko kay Steff sa ibaba. What the? Kung makasigaw daig pa ang EDSA Dos! Best friend ko ba talaga ‘tong taong ‘to? At ito namang baliw sa harapan ko nag-pick-up line pa!
“Baduy mo.” Inalis ko ‘yung kamay ko sa pagkakahawak niya. Aalis na sana ako pero hinawakan niya ako sa braso. Nainis ako. “Ano ba? Pabayaan mo na nga ako!”
“Patawarin mo muna ko.”
Napakamot nalang ako sa ulo. Ang kulit! “Sige na! Pinapatawad na kita. Bumaba ka na sa stage.”
Ngumiti siya. “Talaga?”
Inikot ko ‘yung mga mata ko. “Oo na nga po.” Kahit na hindi naman talaga kasi naiinis pa rin ako sa kanya.
“E di… tayo na ulit?” Tapos niyakap niya ako.
Tinulak ko siya palayo. “Anong tayo na ulit? Kailan ba naging tayo, ha? Lumayo ka nga!”
“Honey ko naman...” malungkot na sabi niya. “Nagkahiwalaylang tayo ng one month hindi mo na ko agad kilala?”
“Honey ko ka diyan! Ibaba mo na nga yang mic!” Sinubukan kong agawin ‘yung mic pero itinaas niya ‘yun. Kapre talaga! ‘Di ko maabot.
“Tigilan mo na ‘yan!” naaasar na sigaw ko sa kanya.
“Everyone,” sabi niya habang pinipigilan niya ako. “Thank you very much for helping me and my girlfriend to be together again! Aalis na kami. Good day sa inyong lahat!” Binigay niya ‘yung mic kay Kevin tapos humarap sakin. Hindi ko gusto ‘yung ngiti niya. Kakaiba e. Nagulat nalang ako noong bigla niya akong buhatin at isampay sa balikat niya.
Ano ako, sako ng bigas? Tapos nahulog pa ‘yung bag ko! Kapag nawala ‘yun, sisipain ko siya pabalik sa America sinasabi ko sa kanya!
“Ibaba mo nga ako!” pagpupumiglas ko. Bumaba siya sa stage tapos tumakbo palayo. Kahit na ano ‘yung gawin ko, hindi pa rin ako makababa. Maya-maya, naramdaman kong naiiyak nalang ako. Naiinis ako sa humiliation na binigay niya sa akin. Ang dami ko na ngang iniisip at dapat asikasuhin, dumagdag pa siya.
Tumigil si Jessie sa pagtakbo noong maramdaman niya na huminto na ko sa paglaban sa kanya. Narito kami ngayon sa may corridor. Wala nang tao kasi lahat nga ay nasa labas habang ‘yung iba naman ay nagsi-uwian na.
Ibinaba na ako ni Jessie. Yumuko ako tapos tinakpan ko ‘yung mukha ko. Wala naman akong ginawa sa kanya na ganoon kagrabe para gawin niya sakin ‘to.Nakakainis lang.
Tumalikod ako sa kanya at saka walang imik na lumakad palayo. Hinabol niya ako. “Teka lang! Ano ‘yan, iiyak ka nalang? Ang hina mo naman pala...”
Humarap ako sa kanya. Nakita kong parang nagulat pa siya noong makita niya na basa ng luha ‘yung mukha ko. “Bakit? Inaano ba kasi kita? Ha?”
“Hindi mo ba naaalala? Inistorbo mo ‘yung jamming session namin nina Justin kaninang tanghali!”
“Dahil lang doon? D-Dahil lang sa maliit na bagay na ‘yon, nagawa mo na kong ipahiya sa harap ng buong school?”Pinunasan ko ‘yung mata ko. Biglang sumikip ‘yung dibdib ko dahil na din siguro sa bigat ng nararamdaman ko.
“Hindi sa lahat ng pagkakataon ay pwede mong paglaruan ang damdamin ng isang tao.”
Hindi siya nakakibo. Nakatingin lang siya sa akin at hindi ko na pinag-aksayahan pa ng panahong tingnan ang eskpresyon sa mukha niya.
Tumalikod ulit ako at lumakad palayo. Pero sa pagkakataong ito, naiwan na siyang nakatayo sa may likuran ko.
BINABASA MO ANG
My Drummer Boy [AVAILABLE IN ALL BOOKSTORES NATIONWIDE!]
RomanceRevised Edition © 2014. [Filipino/Tagalog] Si Luna Reyes ang presidente ng pinakamataas na organisasyon sa paaralan, ang Student Council. Responsibilidad niya ang anumang bagay na may relasyon sa eskwelahang kanyang pinamumunuan. Ngunit isang araw a...