Naalala ko pa

379K 11.8K 3.5K
                                    

Naaalala ko pa.

Naaalala ko pa kung paano tayo nag-simula. Third year highschool, isa akong transferee. Walang makausap at makasama. Nagka-taon na ikaw ang naging ka-seatmate ko nun. Natatandaan ko pa ang araw na ‘yun. Ini-offer mo ang upuan sa tabi mo at nagpakilala ka sa akin. Inilahad mo ang kamay mo sabay sabi ng iyong pangalan sa akin. Tinanggap ko ito.

Hindi ko makakalimutan ang araw na ‘yun kasi para akong na-silaw sa ngiti mo. Idagdag mo pa na ang ganda naman talaga ng mga mata mo. Kada tinitignan mo ako, para akong natutunaw.

Naalala ko pa nung panahong kumanta at tumugtog ka ng gitara para sa Acquaintance Party natin. Nag titilian ang mga kababaihan. Kilig na kilig silang lahat sa ‘yo. Paano ba naman kasi ang ganda ganda ng boses mo eh. Idagdag mo pa ‘yang gwapo mong mukha at nakakatunaw mong ngiti. Na-bato na nga ako sa isang tabi nun eh. Para kasing biglang may pumana sa puso ko.

Naalala ko pa nung in-accept mo ang friend request ko sa Facebook. Abot langit ang saya ko nun. Crush na kasi kita nung mga panahon na ‘yun. Mas lalo pa akong naligayahan nang mag chat ka sa akin. Sabi mo, salamat sa pag-add. Nireplyan kita ng ‘walang anuman’ … gusto ko na nga sanang dugtungan ng puso eh. Kaso natakot ako baka mahalata mo, kaya smiley na lang ang inilagay ko.

Tanda ko pa rin nung halos araw-araw na tayong magka-chat sa facebook kahit na mag-seatmate naman tayo sa school. Para bang wala tayong kasawaan sa lahat ng mga pinag-uusapan natin.

Nakakatuwa ‘yung panahong unti-unti akong napapalapit sa ‘yo at ganoon ka rin sa akin. Nung unang beses mo akong tinawag na “best friend” at ‘yung unang beses na nag labas ka ng sama ng loob sa akin dahil sa two-timer mong girlfriend.

Tandang-tanda ko pa ‘yun. Alas-dose ng gabi, sumugod ka sa bahay namin at umiiyak dahil nahuli mong may iba ang girl friend mo. Unang beses kitang makita nung umiyak at labis na masaktan. Sabi mo pa nga sa akin, mahal na mahal mo siya. Naka-ilang tanong ka kung bakit niya nagawa iyon sa ‘yo. Tanging yakap lang ang na-i-sagot ko sa ‘yo nun. Pero kung alam mo lang, gustong gusto ko ng sabihin na ako na lang ang mahalin mo. Hindi ka iiyak sa akin, hindi ka masasaktan. Hindi ko magagawang ipagpalit ka sa iba kasi pag naging tayo, wala na akong mahihiling pa.

Pero nung panahon na ‘yun, nung umiiyak ka dahil sa ibang babae, naalala ko pa, mas pinili ko na lang ang manahimik at makinig sa lahat ng hinaing mo.

Naalala ko pa nung mga panahong nakaka-move on ka na. Nakikita na rin kitang tumatawa. Ang saya ko nun kasi nagiging masaya ka na. At napansin kong mas lalo pa tayong nagiging malapit sa isa’t isa.

Tanda mo pa ba nung mga panahong lagi kang nag o-offer na ihatid ako sa bahay namin? Naalala mo rin ba ‘yung mga panahong lagi mo akong sinasamahan kahit saan ako mag punta? Ako tandang tanda ko pa.

Pero ang hindi ko talaga makalimutan ay ‘yung panahong nasa ilalim tayo ng puno. Hawak mo ang gitara mo at kinakantahan mo ako. Puro love songs. Sabi mo para sa akin ‘yung mga kantang ‘yun. Nakangiti ka habang inaawit ‘to at ang nakakainis, halos matunaw na ako sa mga titig mo. Kung alam mo lang nung mga panahon na ‘yun, parang nag ri-rigodon ang puso ko nang dahil sa ‘yo. Gusto nitong lumundag at kumawala sa dibdib ko. Ang tindi mo kasi magpakilig eh.

Naalala ko paTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon