CHAPTER 179

3.3M 70.8K 224K
                                    

DEIB'S POV

NAGTAMA ANG paningin namin ni Taguro. Hindi ko mapangalanan ang emosyong nababasa ko sa mga mata niya. Nasasaktan. Nagseselos. Nagtatanong.

Inalala ko ang nangyari. Naging napakabilis niyon pero sapat na para tumatak sa isip ko.

Iniwan ko siya para iligtas si Eerah Anitha.

Alam kong tama pero kinakikitaan ko ng mali. Aaminin kong kapag naulit ang nangyari ay iyon pa rin ang gagawin ko. Hindi ko nga lang alam kung bakit.

Nanatili kaming nakatingin sa isa't isa at pilit ko mang pakiramdaman ang emosyong inilalabas niya ay sadyang hindi ko iyon makuha. Natatakot ako sa sasabihin niya. Kinakabahan ako sa iisipin niya. Nababahala ako sa mararamdaman niya.

Nalulungkot ako sa katotohanang nagkakasunod-sunod na ang pagtatalo namin. Napapadalas ang ganitong pangyayari. Magagalit ako sa kaniya na mauuwi sa hindi inaasahang pangyayari. Kung saan parang dinudurog ang puso ko dahil alam kong may nagawa akong bagay na makakapanakit sa kaniya.

Kung pwede ko lang hulaan ang mararamdaman mo sa pagitan ng ilang segundo, Taguro, pipiliin ko 'yong paraan na hindi kita masasaktan.

Natinag ako sa pagmumuni-muni nang inilahad niya ang kamay sa akin.

Babe...

Sinulyapan ko ang kamay niya bago muling tumingin sa kaniya. Tila nanlambot ang tuhod ko sa kaba. Aligaga akong lumapit sa kaniya.

Hindi ko inaasahang gagawin niya iyon sa kabila ng ikinilos ko.

Sana ay maintindihan niya.

"Babe," pabulong kong sambit.

Ngunit wala na sa mga mata ko ang paningin niya. Nananatili iyong tutok sa lalamunan ko. Hinawakan ko ang pisngi niya, napapikit siya habang hinahaplos ko iyon. At nang imulat niya ang mga mata, nangingilid na kaniyang luha.

"Babe, sorry," bulong ko saka marahang yumakap sa kaniya. "I'm sorry. I'm sorry. I'm sorry," paulit-ulit kong sinabi habang ikinikiskis ang pisngi sa leeg niya.

Nalalanghap pa rin ang amoy ng alak sa katawan niya. Ngunit hindi ko iyon alintana, gustong-gusto kong niyayakap siya.

Hinawakan niya ako sa magkabilang braso at bahagya akong itinulak. Bigla ay nabahala ako.

Please, 'wag mo akong itutulak palayo, Taguro.

Nagmatigas ako, huminto siya. Mas hinigpitan ko ang pagkakayakap sa kaniya at hinagod siya sa buhok.

"Are you alright?" bulong ko. Tumango siya. "I will explain." Hindi siya sumagot. "I love you so much, Maxpein."

Sandali pa kaming nanatiling ganoon bago ako humiwalay. Wala pa rin sa akin ang kaniyang paningin. Hinawakan ko siya sa mukha upang magtama ang aming paningin. Walang nagbago sa emosyong mababasa roon.

I want to kiss you, but it'll make you mad.

Bumuntong-hininga siya saka sinulyapan si Eerah Anitha. "Ayos ka lang ba?" walang emosyong aniya na ikinagulat ng babae. Ako man ay hindi inaasahang magtatanong siya nang gano'n.

Paano niya nagagawang alalahanin pa ang taong 'yan?

Tulirong napatango si Eerah Anitha. Nilingon ko si Lovemi, na kay Taguro rin ang kaniyang paningin. Posibleng maging siya ay nagulat sa tanong nito.

Kunsabagay, dati nang ganiyan ang ugali niya. Inaalala kahit pa ang mga taong may nagawang mali sa kaniya. Mahal na mahal ko ang babaeng 'to.

"Kilala mo ba ang mga iyon?" Batid kong iyong mga nakamotor ang tinutukoy ni Taguro.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon