PANAGHOY
"Malungkot ka yata?" tanong ni Mara sa akin habang naglalakad kami pauwi.
Hindi ako sumagot. Bumuntung-hininga lang ako. Dalawang buwan na kasi mula nang huli akong may natanggap na sulat mula kay Kuya Mike. Dati-rati ay lingguhan ang pagpapalitan namin ng sulat. Nagsisimula na akong mag-alala.
"Hoy, Mayreen, may problema ba?" tanong ulit ni Mara.
Muli akong bumuntung-hininga bago ko siya sinagot. "Si Kuya Mike kasi, dalawang buwan nang hindi sumusulat."
"Uy, nami-miss niya si Kuya," panunukso niya sa akin.
"Nag-aalala ako," seryosong sagot ko. "Baka may kung anong nangyari na sa kanya."
Nagkibit-balikat si Mara. "Malay mo, may ibang dahilan. Baka sobrang abala. O baka nagpunta sa ibang bansa."
"Wala naman siyang binanggit na pupunta siya sa ibang bansa."
"Huwag ka kasing mamrublema. Huwag kang negatibo."
Napabuntung-hininga na lang ako ulit. Ewan ko ba, sabi ko na lang sa sarili ko.
Gaya ng dati, sa kanto sa tapat ng munisipyo kami naghiwalay ni Mara. Nakatira kasi ang pamilya niya malapit sa dagat. Ang misyon naman ay mas malapit sa kakahuyan.
"Babay, Mayreen!" paalam pa niya sa akin. "Bukas ulit!"
Kumaway lang ako sa kanya. Ni hindi ako makangiti. Malungkot akong naglakad mag-isa.
Ilang sandali pa ay narating ko na ang misyon. Inabutan ko si Ina na kausap sina Pastor Mahir at Pastora Noreen sa komedor. Malungkot silang lahat.
"May problema po ba?" tanong ko.
Huminga nang malalim si Pastora bago inabot sa akin ang isang sulat. Kaagad kong tiningnan ang likod ng sobre nito para malaman kung kanino nanggaling.
Kay Kuya Mike galing iyon, pero kay Pastor Mahir niya ipinadala. Nakaramdam ako ng pananabik na basahin agad iyon. Dalawang buwan na mula nang huling sumulat si Kuya Mike. Pero naisip ko, bakit sila malungkot? May masamang balita ba? Kaagad kong binuksan ang sulat sa loob ng sobre at binasa iyon.
Pastor Mahir,
Sana po ay nasa mabuti kayong kalagayan diyan. Matagal po akong hindi nakasulat dahil sa mga nangyari dito. Naging magulo po ang isip ko at sobrang dami din po ng mga ginawa ko. Pasensya na po.
Kailan lang po ay namatay ang aking ama. Bilang panganay na anak, ako po ang nag-asikaso ng lahat. Sa mga balikat ko din po ngayon nakapatong ang lahat ng naiwan niyang pag-aari, responsibilidad, at problema, pati na po ang pag-aasikaso sa aking ina. Mahirap po, hindi ako sanay, pero kinakaya ko po ang mga tungkulin na ito.
Nag-resign na po ako sa pagtuturo ko sa University. Dito po ako sa Bulacan ngayon nakatira. May konting negosyo po kami dito na naiwan ng aking ama. Kung susulat po kayo, dito nyo na po ipadala, huwag na po sa Maynila. Wala pong makakatanggap doon. Pasensya na po kung hindi agad ako makakasagot. Gaya po ng sabi ko, masyado po akong maraming inaalala ngayon.
Huwag po kayong mag-alala tungkol sa ipinadadala kong tulong para sa misyon. Hindi po iyon mapuputol. Pakisabi na lang din po kay Nana Shemir na patuloy akong magpapadala para sa pag-aaral ni Mayreen. Wala po silang dapat alalahanin.
Mag-iingat po kayo lagi. Sana maging maayos ang lahat dito para kahit papano ay makadalaw ako diyan. Sa tingin ko po kasi, sa ngayon, parang malabo pa po iyon.
Hanggang sa muli,
Mike
Hindi ko alam ang iisipin ko matapos kong basahin iyon. Nakaramdam ako ng awa para kay Kuya Mike. Kung ako siya, baka mag-iiiyak ako maghapon sa loob ng maraming araw. Mahal na mahal ko ang aking ama. Ayoko siyang mamatay. Lumayo nga lang siya sa amin para sa sarili naming kaligtasan, ilang araw ko nang ipinagmukmok.
Pero naalala ko, sabi sa akin ni Kuya Mike, may sama siya ng loob sa ama niya. Naging malupit daw ito sa pagpapalaki sa kanya, at lahat silang magkakapatid ay lumayo dito noong malalaki na sila.
Ano kaya ang nararamdaman ni Kuya Mike? tanong ko sa sarili ko. Nalungkot kaya siya sa pagkamatay ng ama niya?
"Kawawa naman si Mike," narinig kong sabi ni Ina. "Napakabait na bata, siya pa ang naulila."
Add to your private library
My LibraryAdd this story to your public reading lists