Previous Page of 2Next Page

Ma Malakat Aymanukum (MOASH Book 1)

spinner.gif

 MGA SULAT

 

 

 

July 4, 1998

 

Dear Kuya Mike,

 

Sumusulat pa rin ako kahit nakausap na kita kanina dahil nangako ako na sasagutin ko ang sulat mo. Iba naman ang sulat sa tawag sa telephono, di ba? Kaya dapat, susulat ka ulit pagkatanggap mo nito gaya ng pangako mo. Aabangan ko yun.

Happy birthday ulit. Nabanggit ko na kay Pastor yung tungkol sa pagdiriwang namin ng birthday mo at payag na payag naman siya. Sabi niya, madalang daw mangyari ang ganon. Tuwang-tuwa sila sa gusto mong mangyari. Happy birthday daw sabi ni Pastor, Ina, Kuya Dado, at Kuya Emil. Hindi mo kilala yung dalawang bagong misyonero dito pero naikukwento ka ni Pastor sa kanila kaya bumabati na din sa yo.

Ipinasasabi ni Ina na okey lang kami dito. Masaya daw siya at nakakaalala ka. Alam mo ba na nagbabasa na si Ina ng Bibliya? Nabanggit na din niya kay Ama na mas gusto niyang maging totoong Kristyano kesa itago ang pagiging Muslim namin. Okey lang naman sa akin na ganon, pero sabi ni Ama pag-iisipan muna raw niya.

Gaya ng sabi ko sa yo kanina, magaling ako sa iskul. Matataas ang mga iskor ko sa mga naunang test namin. Hindi ako nahihirapan sa Filipino at English. Salamat sa pagtuturo mo. Ang galing mo talaga.

Nag-iisa ka pa rin ba, Kuya? Wala ka bang pwedeng makasama sa bahay? Kung pwede lang akong tumira diyan, sasamahan kita. Kaya lang, hindi pwede. Malulungkot si Ina kapag iniwan ko siya. Sana may mga kaibigan ka rin diyan na makakausap mo lagi kahit sa telepono lang. Mahirap mag-isa. Malungkot yun.

Mag-iingat ka lagi, Kuya. Hihintayin namin ang pagbabalik mo dito kahit sa tag-araw pa yun. Ipinagdadasal ka namin lagi. Huwag ka ring makakalimot magdasal.

 

Hanggang sa muli,

 

Mayreen

 

______________________________________________________________

 

July 12, 1998

 

Dear Mayreen,

 

Masayang-masaya ako nang matanggap ko ang sulat mo. Nawala ang pagod ko sa maghapong trabaho matapos ko yung basahin. Salamat ha. At gaya ng napag-usapan natin, eto at sumusulat na naman ako sa yo.

Natutuwa ako at mabuti kayo diyan. Natutuwa din ako sa sinabi mo na nagbabasa na ng Bibliya si Nana Shemir at gusto niyang maging Kristyano. Sana buo na ang loob niya tungkol doon. Hindi madaling lumipat mula sa pagiging Muslim papunta sa pagiging Kristyano. Marami masyadong pagkakaiba. Pero kung mahal niya ang Diyos at tinatawag siya ng Diyos sa pagiging Kristyano, bakit nga ba hindi? Gaya ng nabanggit ko sa yo dati, ang batayan ng pagiging Kristyano ay ang pagmamahal sa Diyos. Pagmamahal na nagiging dahilan para gumawa ng mabuti ang isang tao. Ipagdadasal ko siya sa kagustuhan niya na yan.

Ikaw, Mayreen? Ganon din ba ang gusto mo? Wala lang. Naiisip ko lang na kung Kristyano na kayo pagbalik ko diyan sa tag-araw, sabay-sabay na tayong magdadasal. Masaya yun, di ba?

Oo, mag-isa pa rin ako dito sa bahay. Medyo malungkot. Gaya ng sabi mo, kung sinu-sinong kaibigan ang tinatawagan ko sa telepono. Minsan din, hindi agad ako umuuwi. Nakikipagkwentuhan muna ako sa mga kasama ko sa trabaho. Minsan, mga estudyante ang nakikipagkwentuhan sa akin. Kahit papano, masaya na rin.

Mag-iingat ka. Mag-aral ka nang mabuti. Umiwas ka sa mga kaklase mo na puro kalokohan ang iniisip. Huwag ka munang magpapaligaw ha.

 

Hanggang sa muli,

 

Mike

 

____________________________________________________________

 

July 23, 1998

 

Dear Kuya Mike,

 

Salamat sa sulat. Masayang-masaya ako nang matanggap ko iyon. Masaya din si Ina. Wala kaming problema dito. Miss ka lang namin.

Umuwi si Ama kamakalawa. Dinalhan niya kami ng isang sakong mais. Ani daw nila yun sa bundok sa Maguindanao. Maganda naman ang pangangatawan ni Ama. Mukhang okey naman siya doon. Nakakalungkot nga lang at malayo siya. Madalang din siya kung dumalaw.

Muli silang nag-usap ni Ina sa pagiging Kristyano. Pumayag na siya na maging Kristyano kami ni Ina pero ayaw pa niyang iwanan ang pagiging Muslim. Sabi niya, kapag maayos na raw ang lahat at hindi na niya kailangang umalis, saka siya magiging Kristyano. Hindi pa iyon nababanggit ni Ina kay Pastor o Pastora. Nagdadasal pa siya at naghihintay ng palatandaan mula sa Diyos. Gusto raw niyang makasiguro, lalo na at desisyon niya iyon at hindi ni Ama.

Previous Page of 2Next Page

Comments & Reviews (21)

Login or Facebook Sign in with Twitter


library_icon_grey.png Add share_icon_grey.png Share

Who's Reading

Recommended