Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)

1.2K 15 4
                                    

Panimula:

Sa isang lugar sa may M. Diaz St., Barangay Pineda ay matatagpuan ang isang compound na pag-aari ni Mrs. Minerva Donaldson, isang dating prostitute sa Gapo na nakapag-asawa ng mayamang kano at ngayon ay may sarili nang mga paupahan sa iba't ibang lugar sa Pasig. Sa naturang compound ay nakatira din at nangungupahan sa mga apartment unit dito ang mga dating kasamahan sa trabaho ni Minerva noong siya ay nasa isang bar pa sa Gapo.

Sa unang pinto ng apartment na malapit sa gate ay naninirahan si Vina na masasabing pinakabata sa mga katrabaho ni Minerva noon. Si Vina ay may asawa at tatlong anak na kasama niya sa naturang apartment unit. Ang asawa niyang si Braulio ay isang karpintero na madalang pa sa pagpatak ng ulan tuwing tag-araw kung magkaroon ng mga project na kadalasan ay sa bandang Pineda lang din o kung minsan ay sa kalapit na Barangay Kapitolyo. Ang mga anak ni Vina na sina Bruno at Brando ay mga tambay at palaboy sa Pineda na walang inatupag kundi ang maghapong maglasing sa tindahan ni Boy Kaka o di kaya ay maghanap ng basagulo. Tanging ang bunsong anak lamang ni Vina na si Brian ang masasabing matino sa magkakapatid. Si Brian ay isang graduating high school student na para makapag-aral ay nagtatrabaho sa gabi bilang bellboy sa isang pamosong hotel sa Pasay.

Sa ikalawang pinto ng apartment ay nakatira ang masasabing pinakamabait sa mga katrabaho ni Minerva noon na si Josephine o mas kilala sa tawag na Josie. Tulad ni Vina ay may asawa at mga anak si Josie. Ang asawa niyang si Poldo ay isang pamosong tambay, sabongero, sugarol at basagulero sa Pineda na kapag umuwing lasing at talo sa sugal ay silang mag-iina ang pinagbabalingan. Ang bunso niyang anak na si Jenny ay isang matalinong bata na tulad ni Brian ay graduating na sa high school at nakakapagpatuloy sa pag-aaral sa pamamagitan ng scholarship na tinatamasa nito sa eskuwelahan. Ang panganay na anak naman ni Josie na si Facundo Kaneko o mas kilala sa tawag na Punk ang nagsisilbing tagapaghanap-buhay ng pamilya. Ayon dito ay isa raw itong messenger sa isang malaki  at kilalang kumpanya sa Makati, pero ang nakakataka ay kung bakit gabi ang pasok nito. Misteryoso man ang trabaho ng panganay na anak ay hindi na inuusisa pa ito ni Josie dahil sa pamamagitan kasi ng kita nito sa trabaho ay nakakaraos sila sa pang araw-araw kahit pa nga ang ibang kita nito ay kinukuha ng sapilitan ng asawa niyang si Poldo.

Sa ikatlo at ikaapat na pinto ng apartment ay hindi kaano-ano ni Minerva ang mga omookupa dito at mga simpleng nangungupahan lang. Sa ikaanim naman at huling pinto ng apartment ay nakatira ang pinsan at maituturing na ate ng grupo nila Minerva noon na si Maria. Bagamat may kaaderan na ay masasabing isang napakagandang babae ni Maria. Mestisahin ang itsura niya na para bang may lahing Kastila. Madalas ay makikita siya sa may pinto ng kanilang apartment unit na nakaupo sa may tatlong hakbang na hagdan dito at nakatingin sa kawalan. Tila ba siya ay laging may kung sinong inaantay at may kung anong ginugunita sa kanyang buhay. May guwapong anak si Maria na nagngangalang Ryan, isang waiter sa McDo na kapag off sa trabaho ay laging pumipila sa mga istasyon sa t.v. upang mag-audition bilang artista sa mga upcoming teleserye o pelikula.

Sa harapan ng anim na pinto ng apartment ay nakatayo ang malaki at mala-mansiyong bahay ni Minerva. Naipundar ang lahat ng meron siya ng kanyang asawang si David Donaldson, isang dating Kapitan ng US Navy na ngayon ay isa nang bigating real estate businessman. Kapag wala ang asawa ay ang mag-madjong ang alam gawin ni Minerva. Madalas ay makikita siya sa kanilang malawak na sala na maghapong naglalaro ng madjong kasama ang kanyang mga amiga na mga kiala ring mayaman at bigatin sa Barangay Pineda. May isang anak si Minerva na tila hindi niya gaanong pinakikialaman ang mga nangyayari sa buhay nito. Ito ay si Quincy na katulad ni Ryan ay poging-pogi rin at artistahin ang dating. Bagamat may kaya ay hindi nag-aaral si Quincy. Wala siyang hilig sa pag-aaral at sa halip ay nagtatrabaho siya bilang isang waiter sa catering services na pag-aari din ng kanyang inang si Minerva. Kilalang playboy at heartbreaker si Quincy sa kanilang lugar. Para sa kanya ay laro lang pag-ibig at isang gamitan ang pakikipagrelasyon. Bagay na marahil ay natutunan niya sa tuso niyang ina.  Proud na proud pa nga sa kanya ang kanyang ina kapag nalalamang siya ay maraming napapaiyak na babae. Kaya naman tila nagumon na si Quincy sa ganitong gawain.

Sa tabi ng mala-mansiyong bahay ni Minerva ay may isang maliit na kuwarto. Sa kuwartong ito naninirahan ang misteryosong lalaki na nagngangalang Vincent Villanueva. Sa itsura pa lamang ni Vincent ay hindi mapagkakaila na siya ay may lahing Intsik. Singkit na singkit kasi ang mga mata niya at maputi na madilaw ang kulay ng balat niya. Tulad nina Ryan at Quincy ay may taglay ding kapogian si Vincent. Maraming nagsasabi na kahawig niya ang artistang si Mark Anthony Fernandez o di kaya ay si Diether Ocampo. Hindi orihinal na taga-Pineda si Vincent. Siya ay dayo lamang dito nung siya ay dose anyos. Dahil naging kapalagayan ng loob ng magpinsang Ryan at Quincy ay pinatira ito ng libre ni Minerva sa kanyang maliit na bungalow na dati ay isang kamalig nung sila ay may negosyo pang pagpapalayok. Sadyang misteryoso at tahimik si Vincent. Walang sinuman ang nakakaalam sa kanyang tunay na pinagmulan at pinanggalingan. Pero kapag nakikita siya minsan na may matinding lungkot sa mga mata ay maipagpapalagay na siya ay may napakalungkot na pinagdaanan sa buhay.

Sa compound na ito magsisimula ang kuwento ng mga maituturing na hilaw na Pilipino. Dito mabubuo ang mga drama, trahedya at pakikipagsapalaran nila sa buhay. At marahil ay ang pagtatangka na rin nila na makihalo sa lipunang tila hindi ganap na tanggap ang mga katulad nila na kalahati lamang ang pagka-Pilpino.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now