|
||||||||
![]() |
||||||||
|
|
||||||||
|
|
56
KUMUSTA KA KABAYAN?
By: Randy Bataanon Kumusta ka kabayan? Ano ang iyong nararanasan bilang OFW sa bansang ito na ating kinalalagyan? Ikaw ba ay..... 1. PAGOD NA SA TRABAHO PERO WALA PARING MAIPON? Iyan din ang naranasan ni Pedro bago siya matagpuan ng Panginoong Hesus. Sa buong buhay niya, wala siya ng nais kundi ang maging responsableng ama at asawa. Ngunit kahit ano pa ang gawing pagsisikap, tila hindi sapat ang sariling lakas upang kahit papaano ay umangat ang buhay. Isang araw natuklasan niya na ang sariling pagsisikap ay di sapat kung wala ang patnubay ng Panginoon sa kanyang paghahanap-buhay. Habang nag-aayos ng lambat sa magdamag na pangingisda ng walang huli, dumating si Hesus sa kanyang buhay at mula noon nabago ang lahat. Luk 5:4 At pagtigil niya ng pagsasalita, ay sinabi niya kay Simon, Pumaroon ka sa laot, at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang mamalakaya. Luk 5:5 At sumagot si Simon at sinabi, Guro, sa buong magdamag ay nagsipagpagal kami, at wala kaming nahuli: datapuwa't sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat. Luk 5:6 At nang magawa nila ito, ay nakahuli sila ng lubhang maraming isda; at nagkampupunit ang kanilang mga lambat; Siguro ganyan din ang karamihan sa atin. Hindi naman talaga tayo tamad. Ngunit parang di umaayon ang pagkakataon. Para tayong nag-iipon ng tubig sa isang lalagyang butas. Mahirap talaga pag di natin kasama ang Panginoon sa anumang pagsisikap. Hindi natin kaya ang mga ito sa ating sariling lakas. Katulad din ito ng dalawang magkaibigan na sabay pumunta sa gubat upang manguha ng kahoy na panggatong. Pagdating ng hapon mas marami ang nakuhang kahoy ng isa. Kayat tinanong siya ng kaibigan kung ano ba ang sikreto nito. Sinagot siya ng kaibigan ng ganito: Simple lang, pag mapurol na ang palakol, ako ay agad nagpapahinga upang ihasa at patalasin ito. Sa ating buhay, hindi puro trabahong walang patid ang kailangan upang umangat ang buhay. Kailangan mong magpahinga minsan, manalangin at sumangguni sa Dyos na siyang may kakayanan na magpatalas ng ating isipan. Sa gayon mayron tayong lakas at talino na galing sa Panginoon upang magampanan nating ang ating trabaho ng buong husay. 2. HINDI NA MAKATIIS AT TUMAKAS SA MALUPIT NA AMO? Iyan din ang karanasan ni David bago pa siya maging hari at noong siya ay isa pa lamang sundalo sa kaharian ni Saul sa Israel. Nag selos kay David ang hari matapos niyang mapatay si Goliath at mahalin siya ng mga mamamayan. Kayat ilang beses niyang pinagtangkaan ang kanyang buhay. Matapos tumakas, at sa isang madamdaming salita sa kanyang kaibigang si Jonathan, ganito ang kanyag sinabi: 1Sa 20:3 At gayon ma'y si David ay sumumpa, at nagsabi, ... iisang hakbang ang pagitan ko sa kamatayan. Marahil, naranasan na rin natin ang maging "run away" o tumakas sa isang malupit na amo. Gayahin natin ang ginawa ni David. Sa 1Samuel 21:1-9 sa Bibliya, sinasabing tumakas si David at pumunta sa Sangtuwaryo ng Panginoon. Dalawang bagay ang natagpuan niiya sa sangtuwaryo ng Dyos. Ito ay pagkain at ang espada ng pinatay niyang si Goliath Tayo rin ay maaring tumakbo at lumapit sa Panginoon sa oras ng ating kagipitan. Doon ay makakasumpong tayo ng lakas sa pamamagitan ng pagkaing spiritual ang salita ng Dyos. Makakasumpong din tayo ng sandata sa pamamagitan ng kanyang Espirito upang maharap natin ang mga hamon ng buhay at may lakas ng loob na makapagpatuloy tayo sa anumang paghamon ng buhay. 3. NAPARUSAHAN KAHIT WALANG NAMANG KASALANAN? Pagdating sa katapatan sa Diyos at sa kanyang trabaho, maaasahan ng lahat si Jose. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, naparusahan siya ng walang kasalanan. Ito ay dahil ayaw niyang mag compromise o pumayag sa gusto ng asawa ng kanya amo na magkaroon sila ng isang lihim na relasyong seksual. Dahil dito, bilanguan ang kanyang kinasadlakan. Gen 39:20 At dinala ng kaniyang panginoon si Jose, at inilagay sa bilangguan, sa dakong pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari: at siya'y natira roon sa bilangguan. Gen 39:21 Datapuwa't ang Panginoon ay suma kay Jose, at iginawad sa kaniya ang awa, at pinagkalooban ng biyaya sa paningin ng katiwala sa bilangguan. Gaya ni Jose na isang expatriate sa Egypt, madalas din nating nararanasan ang injustice o kawalang katarungan. Kung minsan napaparusahan tayo kahit na walang kasalanan. Ngunit sa bandang huli. Inalala ng Panginoon si Joseph. Isang araw, siya ang nagging tagapamahala ng Buong Egipto pangalawa ng Parao na siyang hari ng Egipto. May layunin ang Diyos kung bakit natin nararanasan ang lahat ng mga kahirapan. Ito ay upang sanayin tayo at hubugin upang maging mabuting tao. May isang bagay na nanatili sa buhay ni Jose. Sa lahat ng pagsubok na kanyang dinaanan, hindi kailanman nawala ang kanyag tiwala sa Dyos.
|
|||||||
|
© WP Technology Inc. 2009
User-posted content is subject to its own terms. |