|
||||||||
![]() |
||||||||
|
|
||||||||
|
|
0
Bakit namamalo si Miss Uyehara?
May mga notebook bang lumilipad? Bakit masakit sa ulo ang Mafhemafics? Ano ang sikreto sa pagkakaibigan nila Pepe at Tagpi? Bakit may mga taong nakapikit sa litrato? Masarap ba ang AfriChado? Sino si Tigang? Bakit may mga classroom na kulang ang upuan? Masama bang mag-isip nang malalim habang naglalakad? Saan ang Ganges Rives sa Pilipinas? Bakit may mga umaakyat ng overpass pero hindi tumatawid? Sino ang webmaster ng bobongpinoy sa internet? No calculators. No dictionaries. No erasures. No cheating. Oops, time's up! Pass your papers. A B N K K B S N P L A Ko?! . A B N K K B S N P L A Ko?! Mga kwentong chalk ni bob ong Para Sa: Mga Guro Mag-aaral Dating mag-aaral Ayaw mag-aral Drop-out Kick-out Transferee Cross-enrolled At honor students Grade 2. Section 1. Isang araw, buwan ng Hunyo, sa isang public elementary school: Hinati 'yung canteen, 'yung kalahati room namin. Siguro mga 40 pupils kami. 39 lang ang upuan, at 30 lang ang ayos. Siyam ang magtitiyaga sa mga gumigewang na salumpuwit. Isa ang araw-araw na makikipag-Trip To Jerusalem. Ako 'yun. Isang istante lang ang naghihiwalay sa klase namin at sa mga kusinerang nagluluto ng sopas. Sa room na ito kami pinagdala ng laruan para ipakita sa klase. Show and Tell. Walang problema, seaman si Tatay. Nagdala ako ng AA battery-operated police car. Walang kwenta, pero 'yun and dinala ko dahil 'yun and kasya sa bag kong maliit. Mataimtim akong nagdasal habang naghihintay na matawag sa recitation. Antagal. Ngawit na ako sa pagtataas ng kamay nang pansinin ako ng teacher ko. Wala na kasing ibang volunteer, tapos na lahat, at wala na s'yang choice kundi tawagin ako. "ROBERTO!" Lumuwa ang mata ng mga classmates ko nang magpunta ako sa harapan. Nakita nila ang laruan kong de-battery. Nung mga panahon na 'yon, jolens lang ang laruan ng mga bata sa amin. Ang sino mang may battery-operated na laruan e diyos. "D-dis is may toy... eee-eeeets ah kar..." "What kind of car, Roberto?" tanong ng teacher kong, for the first time in history e, medyo humahanga na sa 'kin. "Aah po-lis kar... eeeet has baterees..." Natapos ang presentasyon. Instant celebrity ako at respetado na ang lahat. Nagkaroon na rin ako ng sariling upuan. Milagro. Bago mag-uwian ipinaalala ng teacher ko na magdala ulit kami ng laruan kinabukasan. Ayos. Moment of glory ulit. Nagdala ako ng plastic na clown mask, 'yung kasya ulit sa bag ko. Nang mabalitaan ito ng classmates ko sa kalagitnaan ng klase, unti-unting nagkagulo. Nang malaman ng teacher ko ang pinagkaguluhan, tinanong ako kung bakit may laruan ako sa bag... kasabay nito ang malutong na palo sa hita ko. Aruy! "K-kasi po, sabi nyo magdala ulit ng l-laruan..." "May sinabi ba kong ganon?" tanong n'ya sa buong klase. Walang um-oo. Hanggang sa mga oras na ito hindi ko alam kung guni-guni ko lang yung narinig kong direksyon na magdala ulit kami ng laruan o ipinagkanulo ako ng classmates ko. S'ya si Miss Uyehara. Maliit, may salamin, matanda, dalaga. Kung bakit n'ya ako pinalo, hindi ko alam. Pero maraming beses pa naulit 'yon, sa ibang teacher, ibang antas, ibang eskwelahan, ibang panahon. Seventeen years akong labas-pasok sa eskwelahan. Naging teacher's pet at teacher's enemy, nag-drawing ng aso't pusa, nangopya, nagpakopya, humiram ng notebook, hindi nagsauli, nag-recite, nag-cutting classes, naglinis ng room, umabsent, gumawa ng pekeng excuse letter, nag-vandal, nag-JS, nag-top ten sa NCEE, sumulat sa slumbook, sumulat ng "I Promise To Bring My PE Uniform" ng 300 times, nagmartsa sa CAT, nagkamedal sa quiz bee, bumagsak sa periodical test, nag-flag ceremony. Seventeen years. Meron din naman akong natutuna... hindi sinasadya. Minsan masarap mag-review. "I have never let my schooling interfere with my education." -Mark Twain Simula. Unang baiting, unang araw ng klase. Eto ang masarap sa pag-aaral, 'yung umpisa! Lahat ng gamit, bago, liban na nga lang kung bunso kang tulad ko, dahil 'yung ibang gamit e pamana na lang ng mga kapatid mo. Ang sarap yata gumamit ng bagong notebook, pad paper, ballpen, lapis, pantasa, pambura, pencil case, paste, gunting, ruler, crayola, art papers, kokomban (coupon bond), envelope, cartolina, lunchbox, water jug, kapote, at bag... lalo na pag amoy pabrika pa! Hindi mawawala ang pasiklaban sa mga magkakaklase. Normal lang dito ang magkainggitan, lalo na pag ang ibang bata e may Sesame Street na pencil case, samantalang ang iba e plastic lang ng yelo ang lalagyan. May mga estudyante rin na mabango at amoy candy ang eraser, samantalang ang iba e binuhol na goma lang ang gamit. Meron ding kumpleto sa Tupperware na baunan, at meron din namang pandesal lang ang baon. May mga gumagamit ng imported backpacks, at meron ding gumagamit ng mga fish nets. Halu-halo, makikita mo sa public school ang iba't-ibang klase ng bata at iba't-ibang katayuan sa buhay.
|
|
||||||
|
© WP Technology Inc. 2009
User-posted content is subject to its own terms. |