Si Onse at Si Uno (One Shot)

154K 3.8K 921
                                    

Si Onse at Si Uno

“Kathy balita ko babalik na dito sa Pilipinas si Marco ah,” sabi ng bestfriend kong si Emi.

"Sinong Marco? Ang dami kong kilalang Marco," sabi ko sa kanya habang nilalantakan ko na yung inorder kong fries. Nandito kasi kami sa McDoReMi at ang tagal ng sukli ko kaya nakatayo pa kami dito sa tapat ng counter.

"Si Marco, yung classmate natin nung elementary na patay na patay sa'yo. Yung binasted mo nung Grade 4 tayo," napaisip pa ko. Ang dami kasing nanligaw sa'kin kaso wala akong sinagot kasi naman kay bata-bata pa namin, ligaw agad!? Tsaka ipinangako ko sa inay na hindi ako magboboyfriend hanggat hindi pa ko naka-graduate ng college. Maaga kasing namatay ang tatay, ang nanay naman teacher sa public school at sobrang liit ng sweldo. Hindi naman ako matalino para makakuha ng scholarship. Sinubukan ko dati mag-apply kaso hindi pasado yung grado ko eh. 

Buti na lang may tiyahin si inay na sinuwerteng makapag-asawa ng amerikano at ngayon naninirahan na roon, pero hindi mabiyayaan ng anak lalo na't may edad na siya ng makapag-asawa. Nagkataon pa na  ninang ko yun sa binyag, kaya nag-offer na pag-aaralin ako. Kaya mula elementary hanggang ngayong college siya ang nagpapa-aral sa'kin. Pati mga gamit ko sa school at baon ko sa araw-araw siya ang may sagot. Buwan-buwan pinadadalhan niya kami ng pera. Kaya bilang sukli sa kabutihan niya, puro pag-aaral ang inatupag ko at ang pagboboyfriend huli sa listahan ng mga priorities ko.

"Ah si Marco! yung sipunin nating classmate kaya tinawag na Onse, MarcOnse pa nga tawag ng iba sa kanya diba?" natatawa kong sabi. Naalala ko kasi yung itsura nung classmate naming yun. Papayat-payat kasi siya na mukhang lampa, tapos sipunin. Madalas siyang lokohin ng mga kaklase kong bully. Palagi siyang may dalang panyo pero once na maiwan niya o maipatong sa ibabaw ng armchair niya, siguradong mawawala yung panyo. Kaya ang ending palagi siyang may dalawang guhit sa ilalim ng ilong niya.

Minsang nangyari yung nawalan siya ng panyo, singhot siya ng sighot ng dahil sa sipon. Naawa naman ako kaya binigay ko yung panyo ko sa kanya.

"Marco.."

"Marco.." nakailang-ulit ako ng tawag sa kanya pero 'di niya ko nililingon. Pero nung tawagin ko siyang Onse, saka lang niya ko tinignan. Siguro mas sanay na siyang tawaging Onse kesa Marco na tunay niyang pangalan.

"Bakit?" tanong niya sa'kin sabay singhot. Sa totoo lang gusto kong tumawa pero ang sama ko naman kung gagawin ko yun kaya kinagat ko yung loob ng pisngi ko para hindi matuloy yung pagtawa ko.

"O, panyo.. Sa'yo na lang yan. Mas kailangan mo yan," saka ko ipinatong yung panyo sa ibabaw ng upuan niya. Nag-aalangan pa siya kunin noon yung panyo ko kaya ipinagplitan ko pa sa kanya,  pero kinuha at ginamit rin niya.

Hindi kami close ni Marco, pero simula nang araw na ibinigay ko yung panyo ko sa kanya, napansin ko yung pagiging malapit niya sa'kin at yung madalas na pagkahuli ko sa kanya na nakatingin sa'kin.  Napansin ko rin na hindi na siya nawawalan ng panyo. Siguro may dala siyang reserba palagi.

Nagulat na lang ako isang araw naglakas loob siyang magtapat sa'kin. "Kat-kat, gusto kita," nahihiya niyang sabi. May hawak pa siyang bulaklak at chocolate noon. Recess namin nun, pero sa classroom kami kumakain ni Emi dahil araw-araw kaming nagbabaon. Yung mga classmate namin na nakasaksi sa pagtatapat niya imbes na kiligin nagsitawanan.

"Hoy MarcOnse! Lakas ng loob mong manligaw eh uhugin ka pa nga!" pang-aasar ng isang kaklase naming lalaki. Onse pa rin ang tawag sa kanya, kahit nabawasan na yung pagiging sipunin niya.

Hiyang-hiya ako nun, at inis na inis naman ako sa kanya. Naging tampulan rin kasi ako ng tukso ng dahil sa kanya.

Kahit sinusungitan ko siya pilit pa rin ang panunuyo niya sa'kin. "Hindi nga kita gusto Marco! Bakit ba ang kulit mo?! Tsaka hindi tayo bagay!" inis na sabi ko sa kanya.

Si Onse at Si Uno (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon