Previous Page of 7Next Page

TATSULOK NA DAIGDIG aurora batnag

spinner.gif
TATSULOK NA DAIGDIG  

Ni Natsumi Soseki

Salin ni Aurora E. Batnag

 

Paakyat sa landas ng bundok, nakapag-isip-isip ako.

 

Kapag laging utak ang pinapangibabaw mo, magiging malupit ka. Sumagwan ka sa ilog ng emosyon at matatangay ka ng agos. Palayain mo naman ang iyong mga hangarin at di ka mapakali sa iyong pagkakakulong. Hindi kasiya-siyang mamuhay rito, sa daigdig na ito.

 

Habang lumulubha ang pagkayamot, ibig mong tumakas kung saan higit na magaan ang buhay. Pagdating lang sa puntong una mong napag-isip-isip na sadyang mahirap mabuhay kahit malayo na ang narating mo, saka isinisilang ang isang tula, o nalilikha ang isang larawan.

 

Ang mundong ito ay di likha ng diyos o ng demonyo kundi ng mga karaniwang tao sa ating paligid; yaong mga nakatira sa tapat o sa kapitbahay, na tinatangay ng pang-araw-araw na agos ng pamumuhay. Maaaring napakahirap mabuhay sa mundong ito na nilikha ng mga karaniwang tao pero may iba pa bang mapupuntahan? Kung mayroon man, tiyak iyon ay isang lupaing “di-pantao”, at anong malay natin, baka mas kasumpa-sumpa pa ang mundong iyon kaysa rito?

 

Hindi tayo makakatakas sa daigdig na ito. Samakatuwid, sa hirap ng buhay, wala kang magagawa kundi magpakaginhawa sa taghirap, bagamat maikling panahon lamang ang kaya mong tiisin, upang kahit papaano’y makaya mo ang iyong maikling buhay. Sa puntong ito nagsisimula ang bokasyon ng isang alagad ng sining at dito rin itinatalaga ng langit ang gawain ng isang pintor. Pasalamatan mo ang langit dahil sa mga tao na sa iba’t ibang paraan ng kanilang sining, ay naghahatid ng katiwasayan sa mundo at nagpapataba ng mga puso.

 

Alin sa mundo ang lahat ng alalahanin at problemang nagpapabigat sa buhay sa halip ay ilarawan ang isang daigdig na punung-puno ng biyaya at pagmamahal. Magkakaroon ka ng musika, ng isang larawan, o tula, o iskultura. Hindi lang ito, idaragdag ko pang hindi kailangang magkatotoo ang pananaw na ito. Sapat nang ilarawan sa isip at magkakabuhay ang tula, magkakahimig ang awit. Bago mo pa man isulat ang iyong iniisip, mararamdaman mong parang napupuno ang iyong dibdib ng kristal na taginting ng mga kampanilya; at kusang magliliwanag sa iyong mga mata ang lahat ng maningning na kulay, kahit di nagagalaw sa kabalyete ang iyong kanbas na di pa nahahaguran ng pintura. Sapat nang magkaroon ka ng ganitong pananaw sa buhay at ang marumi’t bulgar na mundong ito ay magiging malinis at maganda sa mga mata ng iyong kaluluwa. Maging ang makata na wala pang naisusulat kahit isang taludtod, o ang pintor na walang pintura at wala pang naipipinta kahit isang bahagi ng kanbas, ay makatatagpo ng kaligtasan, at makaaangat sa mga makamundong hangarin at damdamin. Kailanma’t ibig, mapapasok nila ang isang daigdig ng dalisay na kalinisan, at kapag naitapon ang pagkakasakim at pagkamakasarili, ay makapagbubuo ng walang katulad at di mapantayang daigdig. Sa lahat ng ito, higit pa silang maligaya kaysa sa mayayaman at tanyag; kaysa sa sino mang panginoon o prinsipeng nabuhay sa mundong ito; tunay na mas maligaya kaysa sa lahat ng nagtatamasa ng pagmamahal sa bulgar na mundong ito.

 

Pagkaraang mabuhay nang dalawampung taon, napag-isip-isip kong karapat-dapat mamuhay sa mundong ito. Sa edad na beinte-singko, naunawaan ko na tulad ng liwanag at dilim na magkabilang tabi ng iisang bagay, saan man may liwanag ng araw, tiyak na may anino. Ngayon, sa edad na treinta, ganito ang nasasaisip ko: sa kailaliman ng kaligayahan, naroroon ang kalungkutan; at kung lalo kang maligaya, lalo ring matindi ang sakit. Subukin mong ihiwalay sa lungkot ang tuwa at mawawalan ka ng kapit sa buhay. Itabi mo ang mga ito sa isang sulok at guguho ang mundo. Mahalaga ang pera, pero kapag naipon, di ba nagiging problema lamang ito na bumabagabag hanggang sa pagtulog? Ang pag-ibig na nakatutuwa pero kapag nagkapatung-patong ang mga kagalakang ito, hahanap-hanapin mo ang mga araw noong di mo pa kilala ang tuwa. Ang mga balikat ng estado, ang Gabinete, ang nagsusuporta ng mga pasanin para sa milyun-milyon, ang mga paa nito; at pabigat sa kanila ang mga sagutin ng gobyerno. Iwasan mong kumain ng napakasarap ng bagay, at pakiramdam mo’y may nakaligtaan ka. Kaunti lamang ang kainin mo at pagtindig mo sa mesa, mararamdaman mong gusto pang kumain. Kumain ka nang napakarami at pagkaraan ay sasama ang pakiramdam mo.

Previous Page of 7Next Page

Comments & Reviews (46)

Login or Facebook Sign in with Twitter


library_icon_grey.png Add share_icon_grey.png Share

Who's Reading

Recommended